Pag-ampon ni Sen. Kiko kay KC Concepcion, tanggap ni Gabby Concepcion
April 3, 2008
BUKOD sa napakarami naming natalakay na isyu sa una naming eksklusibong panayam sa balikbayan actor na si Gabby Concepcion, lumutang din ang tungkol sa pagkaka-ampon ni Senator Kiko Pangilinan sa anak ni Gabo na si KC Concepcion.
“No problem!” ang may buntong-hiningang tugon ni Gabo. “Nabalitaan ko nga ’yun,” aniya pa.
Tama ka. Napabalita ngang in-adopt ni Kiko, asawa ng megastar na si Sharon Cuneta, ang panganay nila. Sa Miriam-Webster’s Collegiate Dectionary (Deluxe Edition), ang salitang “adopt” ay “to take voluntarily (a child of other parents) as one’s own child.”
Inari talaga ni Kiko na isang tunay na anak si KC, bagama’t alam niya na meron itong tunay na ama.
“Hindi naman mahirap tanggapin ’yun,” patuloy ni Gabo. “Hiningi ’yun ng sitwasyon,” aniya pa.
Sa aminin man at hindi, marami talagang pagkukulang si Gabby sa kanyang anak, subali’t ang mga pagkukulang na ’yon ay napunan naman ng isang responsableng tao, sa katauhan ng magiting na senador.
“Nagpapasalamat nga ako dahil in my absence, ’di naman na-deprive si KC na may tumayong responsableng ama,” aniya pa.
Ang tinutukoy ni Gabo ay si Senator Kiko, na talaga namang ginampanan ang tungkulin ng isang tunay na ama noong batambata pa si KC.
Ang dalaga naman, buong-pusong tinanggap bilang tunay na ama ang asawa ng kanyang mega-mom.
Kahit na nga ngayong narito na ang tunay niyang ama, kinukonsulta pa rin niya sila sa alinmang desisyong kailangang gawin.
Sinabi naman ni Gabby na sisikapin niyang punuan ang mga pagkukulang kay KC sa abot ng kanyang makakaya.
Hangang-hanga si Gabo sa napakagandang-ugali ng anak. Sa kabila raw ng mga pagkukulang niya, damang-dama niya ang pagmamahal nito.
Dapat din siyang humanga kay Sharon dahil iminulat nito sa anak ang tamang pananaw sa buhay.
Bakit nga hindi, eh, sa kabila ng namagitang sigalot sa kanila, ’di nagsalita si Sharon ng anumang negatibo tungkol sa kanya.
Iminulat ni Sharon kay KC ang napakagandang larawan ng isang amang tulad ni Gabby. Nauunawaan ni Sharon ang kalagayan ng dating asawa nu’ng panahong nagkahiwalay sila.
Kung may pagkukulang man si Gabby kay KC, pinagtakpan lahat ’yun ni Sharon.
Natural lang na pasalamatan ni Gabo ang mag-asawang Sharon at Kiko dahil sa nakikitang pagmamahal ni KC sa kanya.
* * *
Pinili ni Gabby na maging “Kapamilya,” pero ang pakahulugan ng marami rito’y dahil naroon ang “pamilya” niya: Sina Sharon at KC.
Dalawang taon ang kontrata ng aktor sa ABS-CBN at Star Cinema. Ang una niyang gagawin ay isang episode sa Maalaala Mo Kaya at isang teleserye.
Sa pelikula naman, gusto niyang makasama ang anak, pero aminadong ’di siya ang masusunod sa bagay na ito.
Nauunawaan daw ni Gabby ang sinabi ni KC na bago ito pumayag na gumawa sila ng pelikula, kukonsultahin muna niya ang ina.
* * *
SA kaugnay na isyu, sa dinami-rami ng offer na pelikula at pag-amuki na pauwiin siya sa Pilipinas, tanging si Mommy Rose Flaminiano ang may maibibigay na tulong para maayos ang anumang problemang kahaharapin ni Gabby sa pagbabalik na ito.
“Ang totoo niyan, hindi naman pagbabalik-showbiz ang una naming pinag-usapan ni Mommy Rose, kundi ayusin ang legal impediments na posibleng lumutang,” ani Gabo.
“Tiniyak sa akin ni Mommy Rose na ang priority niya ay maayos lahat ng problema sa pagbabalik ko at ’yan nga ang ginagawa niya ngayon.”
Tungkol naman sa GMA Films offer ng pelikulang kukunan abroad, ani Gabby, “Para naman akong ‘wanted’ sa sarling bansa kung ganoon ang mangyayari. Hindi makatutulong sa akin ’yun,” aniya pa.
Inulit-ulit pa ni Gabo na aayusin niya ang lahat ng pagkukulang sa mga anak sa iba’t ibang babae at sa GMA-Films.
Related News
No. of Views: 832 views
Tags: ABS-CBN, Gabby Concepcion, GMA, KC Concepcion, Pangilinan, Sharon Cuneta
Tag Cloud
Advertisers
Featured Celebrity Gallery
Comments
Got something to say?














