“SORRY kung na-disappoint kita.” – Inah Revilla to Lani Mercado

April 12, 2008





“SORRY kung na-disappoint kita.”

’Yan ang maikli, pero madamdaming pahayag ni Inah Revilla, 18, sa inang si Lani Mercado, na nag-guest nang live sa Startalk ilang oras bago idaos ang 40th birthday party kahapon ng hapon.

Actually, ngayong Linggo ang birthday ng aktres, pero kagabi ginanap ang bonggang selebrasyon.

Alam daw ni Inah na maraming tao ang na-disappoint sa maaga niyang pagpapakasal sa childhood sweetheart na si Vince del Rosario, 24.

Kaya naman nag-promise ito na gagawin ang lahat para makabawi, lalung-lalo na kay Lani at sa ama niyang si Sen. Bong Revilla.

Hindi na rin itinanggi ni Inah at kanyang mga magulang ang bali-balitang siya’y nagdadalantao.

“We’re having another bundle of joy soon…and we welcome Vince into the family” dire-diretsong wika ni Lani, although ’di na binanggit kung apat na buwan na nga ang nasa sinapupunan ng anak.

Sa May 28 nga nakatakdang ikasal ang young couple sa Manila Cathedral, pero nakiusap ang aktres na sana’y ’wag na silang intrigahin, lalo na ang pamilya Del Rosario, dahil non-showbiz at very private raw ang mga ito.

Masayang-masaya naman si Inah at handa na raw siya sa haharaping buhay bilang maybahay ni Vince.

Patutunayan daw niya na hindi katapusan ng kanyang mundo ang maagang pag-aasawa at pagbubuntis. Paulit-ulit itong nangako kina Sen. Bong at Lani na magpupursirge at hindi titigil hangga’t hindi sila nagiging proud sa kanya.

For their part, nangako naman si Lani na susuportahan sina Inah at Vince through thick and thin. Lalo pa nga’t nakaka-relate raw siya sa pinagdaraanan ng mga ito ngayon.

Matatandaang 18 years old din ang aktres nang mabuntis at ikasal sa 19-year-old na si Sen. Bong 22 years ago. Hindi madali, ani Lani, ang maagang lumagay sa tahimik, kaya ang pakiusap nila kay Vince, mahalin at alagaan ang “prinsesa” nilang si Inah.

Kauuwi lang ng mag-asawang Revilla nu’ng April 2 mula sa pagbabakasyon sa Amerika. Tsika nga ni Lani, nalaman nila ang sitwasyon ng anak habang naroroon sila.

Siyempre, pagkabigla ang una nilang naging reaksyon sa balita. Naiyak nga raw si Sen. Bong, pero ganunpaman, masaya na rin sila’t nagpaalam nang maayos ang dalawa, ’di gaya ng iba na basta na lang daw nagtatanan.

“Minsan talaga ang kapalaran ng anak mo, hindi mo masasabi,” dialogue pa ni Lani habang ini-interview nina Lolit Solis, Butch Francisco at Joey de Leon.

Garalgal namang sambit naman ni Sen. Bong sa phone patch interview, “Basta kami, hindi nagkulang sa aming mga anak, we gave them the best education, pagmamahal… Walang magulang na naghangad ng ’di mabuti sa anak, but in the end, it’s the children who decide which path to take.

“Ang wish ko para sa kanila, maging maganda ang buhay nila, matiwasay and may God bless them always. We can do this, kaya natin ’to,” dagdag pa ni Sen. Bong patungkol sa bagong hamon sa kanilang buhay..







Advertisers




Advertiser



Comments

Got something to say?






View My Stats