‘Dear Heart,’ bakit sagrado para kay Sharon Cuneta?
May 24, 2008
DAHIL sa labis na pagka-in-love ng megastar na si Sharon Cuneta sa pelikulang Caregiver, dumating sa punto na nasabi niyang “kahit hindi ako ang nasa pelikulang ’yan, panonoorin ko.”
Sa dinami-rami ng de-kalibreng pelikulang nagawa na niya, bakit parang iba ang trato niya sa isang ito?
Sa abot ng aming kaalaman, dalawang pelikula lang ang malalim ang pagkakaukit sa puso ni Mega, ang Dear Heart at Madrasta.
Sagrado para sa kanya ang Dear Heart. Kung siya nga ang masusunod, ayaw niyang ipagalaw kaninuman ang nasabing pelikula.
Hindi siya kinariringgan ng pagtutol sa pagre-remake ng alinman sa blockbuster na pelikulang karamihan ay pinaglaruan na bilang teleserye.
Bakit kapag nababanggit ang remake ng Dear Heart, matindi ang reaksyon niya?
Hindi na namin hihintaying manggaling pa sa bibig ni Sharon ang mga dahilan.
Para sa amin, napakaraming bagay-bagay na ikinukonsidera kung bakit sagrado para kay Sharon ang Dear Heart.
Ang kasaysayan ang magpapatotoo. Sa pelikulang ito nagsimula ang kanyang pagdadalaga, pagiging professional at pagiging ganap na babae at ina ng panganay niyang si KC Concepcion.
Naging masalimuot ang lovelife niya, pero wala siyang pagsisisi.
Dikasi, nakatagpo rin siya ng taong mamahalin habambuhay sa katauhan ni Sen. Kiko Panglinan, ama ng dalawa pa niyang anak — sina Frankie at Miel.
Ang Madrasta naman ang kumilala sa kanya bilang isang ganap na aktres. Dito niya nakopo ang karangalan bilang Best Actress mula sa lahat ng prestihiyosong award-giving body.
Dito siya naka-grandslam, wika nga, karangalang minimithi ng lahat ng artista.
Ngayon, ano bang meron ang Caregiver at gayon na lamang ang pagbibigay niya ng labis na importansya rito?
May linya si Sharon na magsisilbing pamana niya sa lahat ng Pinay caregiver worldwide: “I care about my job, Sir. I care about you” or something to that effect.
Tatamaan tayong lahat sa eksenang ito, lalo na ’yung may mga ina ng tahanan na nagtatrabaho bilang caregiver sa ibang bansa.
Bukod sa nililitanyang hirap na dinanas sa dalawang linggong shooting sa London, mukhang napaka-effective ng trailer na minu-minuto ay napapanood sa ABS-CBN Channel 2.
Bakit nga hindi, eh, pang-anibersaryong handog ito ng Star Cinema? Patunay lamang kung gaano ka-importante ang megastar sa industriya.
Kapansin-pansin din ang sobrang sipag ni Sharon sa pagpo-promote ng pelikula.
Kapana-panabik din ang testimonya ng mga artista at iba pang personalidad na nag-aanyaya para suportahan ang nasabing proyekto.
Mukhang babawi nga si Sharon matapos ang halos limang taong pagliban sa paggawa ng pelikula.
Mukhang babawi rin ang Star Cinema kay Sharon matapos maka-grandslam noong l996 sa Madrasta ni Olive Lamasan.
Naaalala n’yo ba na ang pangalan ng karakter ni Sharon sa Madrasta ay Mariel? Kapangalan ng bunso nila ni Sen Kiko na si Miel.
Sa tingin namin, matapos ang 12 taon, ang magkasanib na puwersa ng Star Cinema at ng Megastar ay gagawa ng isang pelikulang magiging bahagi na naman ng kasaysayan ng pelikulang Filipino.
Related News
No. of Views: 232 views
Tags: ABS-CBN, KC Concepcion, Sharon Cuneta
Tag Cloud
Advertisers
Featured Celebrity Gallery
Comments
Got something to say?














