Gabby Concepcion, tumanaw ng utang na loob kay Daboy

June 15, 2008







BIGLAAN ang pagpapatawag ng press interview ni Mommy Rose Flaminiano para kay Gabby Concepcion last Friday, dahil nagkataong walang taping ang aktor ng Iisa Pa Lamang, teleserye nila ni Claudine Barretto sa ABS-CBN.

May biglaan daw kasing changes sa production kaya na-cancel ang taping.

Sabi nga ni Gabo, hindi na niya alam kung saan ilalagay ang sarili dahil sobrang tight ng schedule niya ngayon.

MWF (Mondays, Wednesdays and Fridays) ang taping niya ng serye at ’yung mga natitirang araw ay para sa iba pang commitments.


Naikuwento niyang naghahanap na siya ng mabibiling bahay dito sa ’Pinas, preferably ay sa Tagaytay niya gusto, dahil malamig at gusto niya ay open field, dahil gusto niya itong gawing farm at the same time.

“Gusto ko na parang resthouse na maraming puno, manggahan, ganu’n.”

So, ibig bang sabihin nito ay nagdedesisyon na siyang mag-settle na sa ’Pinas for good?

“Sa ngayon, hindi ko pa iniisip ’yun, pero in the meantime, habang nandirito ako, siyempre, hindi naman ako nandirito lang na hindi mag-e-enjoy, gusto ko naman na may quality time rin ako habang nandirito ako. Saka, investment din ’yan, after five years, iba na ang presyo niyan.”

Isa si Gabby sa nasingit talaga ng oras para makipaglibing sa pamilya ng yumaong aktor na si Rudy Fernandez last Thursday.

Pero bago pa man ito ay nadalaw na rin niya ang action star sa hospital noong nabubuhay pa.

“Wala na akong ginawa kundi magpasalamat kay Daboy sa tuwing nagkikita kami. Kung hindi dahil kina Daboy at LT (Lorna Tolentino), hindi kami magkikita ni Mommy Rose. Siya ang nagpakilala sa akin noong October, 2007 sa Hawaii.”

Doon na nagsimula ang pag-uusap nila ni Mommy Rose hanggang sa heto na nga siya ngayon, naririto nang muli sa ’Pinas.

Tandang-tanda pa ni Gabby ang sinabi sa kanya ni Daboy nang dalawin niya ito sa hospital without knowing na ito na pala ang last words ng aktor sa kanya.

“Sabi niya, ‘Pare hindi, huwag kang magpasalamat sa akin, destiny mo ’yan.’ ’Yun ang sabi niya sa akin at hindi ko makakalimutan ’yun,” kuwento ni Gabo.

Naitanong din namin sa kanya ang tungkol sa naikuwento ni Mommy Rose na plano ng The Buzz na pagbatiin sila ni Jobert Sucaldito today at sabi ni Gabo, hindi niya alam ang plano na ’yun dahil hindi sila nagkakausap ng Channel 2 hinggil dito.

Pero, hindi ba bati na sila ni Jobert, bakit magbabati ulit sila?

“Hindi ko rin alam. Marami pa rin akong hindi naiintindihan sa showbiz. Although matagal na rin ako sa showbiz, matagal din akong nawala, pero hanggang ngayon, marami pa ring mystery.”

Siyempre, kapag Gabby interview, hindi puwedeng hindi maitanong sa kanya ang dating asawang si Sharon Cuneta.

He was asked kung napanood na ba niya ang Caregiver at say niya, hindi pa, nakita lang daw niya ang trailer.

Totoo bang ayaw na niyang pag-usapan si Sharon?

“Hindi kasi, ’di ba, sabi nga ni Sharon, no more Gabby questions? Kasi, baka sabihin ng tao, ginagamit, ganyan. So, pareho rin ako, ayoko namang sabihin ng tao na ginagamit ko siya. Kaya as much as possible, ayoko nang magsalita ng kahit ano kasi lalaki lang.”

Pero hindi naman puwedeng mawala ang connection nila sa isa’t isa simply because they have a lovely daughter, si KC Concepcion, ’di ba?

“Ay, oo, never. Never forever. Kaya nga nagpo-promote rin ako ng movie niya. Kapag ini-interview ako sa TV, biglang tatanungin ’yun, sasabihin ko, ay oo nga pala, manood kayo ng ano ha? Pino-promote ko rin.

“I’m a silent supporter,” pagdiriin pa niya.

Speaking of KC, ano ang reaksyon niya sa balitang boyfriend na nito ngayon si Richard Gutierrez?

“Gano’n?” balik-tanong ni Gabby saka napahalakhak pagkatapos ay sinabing, “Ewan ko, nagkita naman kami ni Richard kagabi, hindi naman niya ako tinawag na Dad,” say niya, na ikinatawa na lang ng lahat.

Naitanong din sa aktor ang tungkol sa kaso ng iniendorso niyang Lucida-DS at aniya, ganu’n naman talaga, parating may iba’t ibang opinyon ang mga tao sa isang bagay.

“Magtayo ka ng restaurant, mayroong sasabihin. Bumili ka ng magandang kotse, may sasabihin, bumili ka ng bahay, may sasabihin. Bumili ka ng condo, may sasabihin.

“Sapatos mo, bilog, may sasabihin. Magsuot ka ng damit na hindi maganda ang kulay, may sasabihin. Lahat ng bagay, mayroong opinyon ang mga tao, so, everybody’s entitled to his own opinion.”

Samantala, malapit nang iere ang Iisa Pa Lamang at nagpapasalamat si Gabby ngayon pa lang sa positive feedback na naririnig niya sa teaser ng serye.

“Honestly, hindi ko pa napapanood, pero marami na ang nagsasabi sa akin at nagpapasalamat ako sa magagandang komento,” sabi ng aktor.

Related News







Tag Cloud


Advertisers


 


Featured Celebrity Gallery

Patricia Javier
Nicole Hernandez Picture Gallery
KC Concepcion
Valerie Concepcion
Amanda Griffin
Teresa Herrera

 


Comments

Got something to say?





Advertiser