Sharon Cuneta, magpaparaya kay Gabby Concepcion

August 20, 2008









Ang nagbabantang unos sa dibdib ni KC ay tila isang matulis na bagay na unti-unting tumutusok sa puso ng megastar na si Sharon Cuneta.

Sa simpleng analisa, maliit na bagay ang nakaambang unos na ’yun sa dibdib ng young star, subalit kapag ’di nabigyan ng maingat na pag-atake sa isyu, maaaring magdulot ng maselang suliranin.

Ang punto ng isyu ay ang nalalapit na premiere night ng FTFT sa Aug. 26, na siyang inaangguluhan ng mga mapagmasid tungkol sa promotion ng nasabing pelikula.

Dahil sa pangungulit ng media kay KC, paulit-ulit niyang sinasabi na kapuwa niya imbitado ang mga magulang na sina Sharon at Gabby.

“Kahit na mahabang panahong ’di ko nakita ang Papa ko, mahal ko siya,” madalas ay karugtong ng kanyang pahayag.

Tama si KC, mahabang panahong ’di sila nagkita ng kanyang ama sapagkat wala pa siyang kamalay-malay nang maghiwalay ang kanyang mga magulang.

Isinilang si KC noong April 7, 1985, naghiwalay sina Sharon at Gabby noong 1987.

Mula noon, manaka-naka na lamang siyang masilayan ng ama habang nasa mapagpalang pangangalaga ng kanyang ina.

Parang pinatindi pa ang ganap nilang paghihiwalay nang magpakasal si Gabby kay Jenny Syquia at magkaroon ito ng isa pang anak.

Tuluyan na silang nagkahiwalay na mag-ama nang agarang tumulak pa-Amerika si Gabby makaraang masangkot ang pangalan sa Manila Film Festival scam 1994.

Sa Amerika, muling nag-asawa si Gabby at nagkaroon ng isa pang anak.

Makaraan ang 13 taon, kasama ang mag-ina, bumalik sa bansa si Gabby upang buhayin ang naudlot na showbiz career at ngayon nga ay masigla na naman ito.

Sa kabila ng mga pangyayari, nangibabaw pa rin ang pagmamahal ng anak sa ama. Sabi nga, pagbali-baligtarin man ang mundo, anuman ang mangyari, ama ni KC si Gabby.

Kahanga-hanga ang isang batang katulad ni KC. Sa kabila ng pagkukulang ng ama, minahal pa rin niya ito. Kainggit-inggit naman si Gabby sapagkat sa kabila ng lahat, napakalaki ng pagpapahalaga sa kanya ng anak.

Sa gitna ng mga pangyayaring ito, ni minsan, ’di nagsalita si Sharon ukol sa pagpapahalaga ni KC kay Gabby.

Kahit na sa panahong mag-isang pinalalaki ni Sharon si KC, ni minsan, ’di namin siya naringgan ng anumang negatibong pahayag tungkol kay Gabby.

Pagmamahal pa rin sa ama ang iminulat ni Sharon sa anak. Iyan naman ang dahilan kung bakit gayun na lamang ang pagpapahalaga ni KC kay Gabby.

Kaya nga, ngayong nalalapit ang isa sa mahalagang araw sa career ni KC, gusto niyang makasama ang kanyang ama.

Samantala, mukhang may hesitation si Sharon na dumalo sa premiere night ng FTFT. Si Gabby naman, nagpahayag na dadalo siya.

Pakiramdam namin, magpaparaya ang megastar.

Unang dahilan, ayaw niyang magnakaw ng eksena. Naniniwala si Sharon na matutuon sa kanila ni Gabby ang pansin ng media, bagay na ayaw niyang mangyari.

Hindi lang ’yun, siyempre, kasama ni Sharon ang asawang si Sen. Kiko Pangilinan, natural na pati pangalan nito ay makakaladkad sa usap-usapan.

May kanya-kanya na silang pamilya ni Gabby at ayaw na ni Sharon itong halukayin pa.

Sa madaling sabi, ayaw ni Sharon sumali sa sirkus na sa halip nga namang pag-usapan ang pelikula, sa kanila ni Gabby matutuon ang istorya sa media.

Sakaling di nga dumalo si Sharon at si Gabby lang ang nandu’n, ’di kaya malagay sa alanganin ang young star?

Ito ang sinasabi namin na baka magsilbing unos sa dibdib ni KC at magmistula namang matalas na bagay na titimo sa puso ng megastar.

Sana, mali kami.

Related News









Tag Cloud

-->

Advertisers


 


Featured Celebrity Gallery

Maureen Larrazabal
Cassandra Ponti
Mary Jean Maycon
Bea Alonzo
Diana Zubiri
Joyce So Picture Gallery

 


Comments

Got something to say?





Advertiser