By: Arlene Rivera-Posadas
BUMULAGA sa Commission on Elections (Comelec) sa unang araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ang mga tinatawag na “nuisance candidate” kung saan isa sa mga naghain ng kanyang COC ang nagpakilalang asawa ng aktres na si Kris Aquino.
Tatlong maituturing na “nuisance candidate” mula sa apat na tatakbo sa pagka-senador ang nanguna sa paghahain ng kanilang COCs sa Comelec Law Department mula sa unang araw ng pagbubukas ng komisyon para sa pagtanggap ng mga kandidatura ng mga tatakbong kandidato...
Pinangunahan ng kilalang abogado na si Oliver Lozano, na tatakbo sa ilalim ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ang paghahain ng COC.
Si Daniel Magtira, isang nagpakilalang asawa ng aktres na si Kris Aquino, ayon sa nakasulat sa kanyang COC at umano’y opisyal na inendoso ni Ilocos Norte congresswoman Imee Marcos at ng TV host na si Boy Abunda.
Nakasaad pa sa impormasyon sa COC ni Magtira na isa siyang automotive electronic businessman at Pinoy rock singer-composer.
Kabilang umano sa plataporma ni Magtira sakaling mapalad na mahalal bilang senador ay bigyan ng trabaho sa automotive business ang mga mamamayan ng Pilipinas, ayon pa dito, kung nagkataon na may eleksyon sa pagka-Pangulo ay ito ang puwestong kanyang tatakbuhan.
Dalawa ding “nuisance candidate” ang nagharap din ng kanilang COCs na nakilalang sina Melcor Chavez,ng Kilusang Bagong Lipunan at Rummel Pinera, isang maliit na negosyante.
Naging matumal ang unang araw ng paghahain ng COCs sa Comelec dahil kahapon pa lamang ang unang araw ng pagtanggap ng Komisyon na magtatapos ang paghahain hanggang Pebrero 12, 2007 sa national position.
Habang sa local positions naman ay hanggang sa Marso 29, 2007.
Sinabi ng Comelec na wala silang magagawa kung du-magsa ang mga tinatawag na “nuisance candidate” sa Komisyon para maghain ng kanilang COCs dahil karapatan nila na lumahok sa eleksyon.
Ngunit ayon sa Comelec, idedetermina o susuriin pa nila kung may karapatang tumakbo ang isang kandidato dahil may mga panuntunan na dapat sundin kung nararapat na tumakbo ang isang kandidato.
Ipinaalala ng Comelec na sakaling magharap na ng kani-kanilang COCs o naghayag na ng kandidatura ang mga pulitiko, may mga dapat silang sunding batas sa ilalim ng Omnibus Election Code sa panahon ng kanilang pangangampanya upang hindi makasuhan.
Inaasahan ng Comelec na sa pagtatapos ng filling of COCs sa darating na Pebrero dadagsa ang mga kandidato sa Komisyon.